Sa pagitan ng mga oras ng alas kwatro at ala-una ng umaga,
kung saan pagod nang magbigay ng sinag ang mga tala,
kung saan gising na ang natutulog na parte ng iyong pag-iisip,
kung saan binabangungot na ng di-mapakaling diwa ang aking mga kamay,
kung saan naglalaro na sa iyong utak ang mga ala-alang matagal na sanang
nawala at nalimot.
Nagbubulakbol.
Ang ispirito ng alkohol na sa utak ay dumadaloy,
lumilibot at lumulunod sa mga panaghoy ng mga nakaraang pagkakasala,
sa sariling selda ng lungkot na iyong nilikha,
doon ako naiwan, nanatili at naniwala.
Nawawala.
Ang dating dampi ng ngiti sa mukha,
unti-unting binubura ng mga upos na nagbabaga,
lumiliyab, umiinit, umuusok at namimilipit.
Itim.
Nabubuo sa ilalim ng mga mata,
mga sintomas ng mabagal na pagtanda,
mabilis na pagkamatay,
at ang pagkabahala.
Lumilipas.
panahon na parang sampaguitang nalalagas,
sa mga poon ng lumang santong di na nabigyan ng panahon,
para luhuran at dasalan,
mga batong bingi sa mga kasalanan.
Dilim.
Paningin,
Mga awit na naririnig sa panaginip,
Lamig ng gabi na aking tatangkilikin,
yayakapin, papatayin at mamahalin.