Lubos kang nagagalak sa paglalaro sa kalye, minsan sa buhay mo naisip mong madali lang lahat.
Magigising ka sa bawat umaga laro at eskwela lang ang trabaho mo sa mundo,Kasabwat mo ang mga batang walang magawa sa kalye ng San Diego, Bihasa ka sa pagtuklas ng mga bagong uso at pag sipat ng tsinelas sa lata ng tumbang preso. . .
Preso.
Preso ka ng mundong masaya. Nanaisin mong di kana makawala sa walang humpay na ligaya. Wala sa bokabularyo mo ang lungkot at pag-aalala, ang alam mo lang iyakan ay ang sugat mo mula sa pagkakadapa, at pag nakita ka ng madla pinipilit mong tumayo kahit dumudugo ang tuhod mong kinayod ng simento.
Minsan nabasa ko, yung mga tao daw na nagsisisi sa buhay nila ay yung mga taong nais uling maging bata, pero kawawa yung mga taong nagsisi sa buhay nila at di nakaranas ng masayang pagkabata. . .
Hindi mo masisisi ang panahon at lalong hindi mo na mababalikan ang nakalipas at ang mga naglaon. Para bang tinraydor ka ng orasan, bigla mo nalang malalamang ika-labing isang kaarawan mo na kinabukasan.
Kahit pilitin mo alam mong di mo na maiilagan, pag tumama na sayo ang sibat ng kapalaran.
haharap ka sa salamin pero kailan mo ba huling sinilip ang anino mo? di mo lang napapansin pero lagi siyang nakatingin sa iyo. . . Unti-unti kang kumukupas, pero lalo lang nagiging malinaw at malalim ang tinatapakan mo.
Bakit nga ba hinihipan ang kandila tuwing kaarawan. . . alam mo namang pareho lang kayo ng magiging kapalaran.
sa isang iglap.
No comments:
Post a Comment